Wednesday, December 17, 2008

Masayang Pasko?

Lalapit ang pasko, daraan, at matatapos, ganito pala kabilis ang panahon. Hati ang nararamdaman ko sa pasko sa mga nagdaang apat na taon. Tuwing daraan ito, mayroong mga araw na masayang makipaghulubilo sa mga taong alam ang iyong kinalalagyan, alam ang iyong nararamdaman, at mga taong iyong minamahal. Subalit mayroon ding mga araw na hindi mo maintindihan kung ano ang nararamdam mo at hindi mo mapigilang umiyak sa isang sulok habang lahat ng tao ay nagsasaya at nakikisigaw ng Maligayang Pasko sa labas ng inyong bahay.

Noong bata ako ito ang pinaka inaabangan kong celebrasyon bawat taon, dahil kumpleto ang aming buong pamilya simula sa aking lolo hanggang sa aking mga pamangkin. Pagkatapos mamatay ng aking lolo, na namatay pagkatapos ng aking kaarawan, ay hindi na muli naulit ang ganoong kasayang celebrasyon. Subalit, hindi naman nagtatapos sa aking lolo ang masayang pasko, hindi din naman dahil sa regalong aking natatanggap tuwing pasko, basta’t buo ang aking pamilya ay masaya na ako, wala na kong maihihiling pa. Ngunit nasira ito nang mangyari ang hindi inaasahan. Nakulong ang aking ama. Isang bagay na hindi ko pa naintindihan noong nag-aaral pa lamang ako sa hayskul.

Noong nakaraang taon ay ang pangunahing pasko na hindi ko nakasama ang aking ama. Malungkot na para bang hindi mo malaman kung ano ang gagawin mo o sa mas madaling salita hindi mo malaman kung dapat ba talagang ipagdiwang ang pasko o wag nalang dahil sino naman ang makakasama ninyo ng iyong ina, hindi ba? Sa totoo lng, hindi ko parin alam kung ngayon ay makakasama ko na ang aking ama ngayong pasko. Minsan naitatanong ko pa sa aking sarili kung bakit ganito ang pasko ko? Kung bakit nangyayari ito sa aking pamilya. Maayos kaming namumuhay sa Pilipinas, hindi kami nagnanakaw ng pera sa kaban ng bayan, hindi namin niloloko ang mga taong bayan, at lalo nang hindi namin niloloko ang Diyos Ama at aming mga sarili na perpekto at wala kaming mga nagawang mali. Buong buhay ng aking ama ay inilaan na niya para sa ating bayan, kahit pa masaktan siya nito. Ngunit, para makita na namumuhay sa labas ng rehas ang mga taong ninanakawan ang mga Pilipino, niloloko ang mga Pilipino, hindi mo masabi kung sino ang tumutulong sa kanila, relihiyoso daw, may takot daw sa Panginoon, hindi mo talaga masabi. Alam kong marami akong katulad na baka mas malala pa sa aming kalagayan, ngunit gusto ko lang sabihin na huwag silang mag-alala alam ko na ang nararamdaman nila, hindi sila nag-iisa at huwag na huwag silang mawawalan ng pag-asa at pananalig sa Diyos.

Sa unang pagkakataon, masasabi kong ito ang pinaka malungkot kong pasko , pinaka malungkot na regalong aking natanggapat pinaka malungkot na celebrasyon ng pasko, ihambing mo man sa mga nakalipas na taon. Maraming nagsasabi na magpakatatag ako para sa aking ina ngunit meron talagang mga pangyayaring na hindi mo mapigilan ang pagpatak ng iyong mga luha. Wala man maihandog na regalo sa akin ang aking mga magulang basta’t magkakasama kami ay isa nang napaka gandang regalo galing sa ating Diyos Ama. Isa lang ang aking maihihiling ngayong pasko, kundi ang matapos na ang kaso ng aking ama upang makasama ko na siya sa araw ng pasko.

No comments: